Thursday, September 1, 2011

iWitness: Killer bus

September 1, 2011
12:30AM
between NIA and Eton Centris, QC

Sakay ako ng bus sampu ng iba pang pasahero ng Joanna Jesh ordinary bus papuntang UE Letre. Kakadaan lang ng konduktor. Ayan nga yung tiket ko.

Mga dalawang dipa na lang ang layo nung "tao" (di ako sigurado kung babae o lalaki) nung nakita ko (palagay ko) pati nung driver na naglalakad sa gitna ng daan (EDSA). 'Di sya tumatawid, sya'y naglalakad sa gitna ng daan (nauuna lang sa amin). Nakakulay light green sya na long sleeves. Mabagal ang lakad, animo'y may malalim na iniisip. Ilang segundo pagkakita ko na tao ang nasa harap ng bus, bumangga na ang harapan nito sa kanya. Palagay ko eh pumailalim sya sa bus dahil bigla na lang sya nawala.

Di man lang bumusina ang driver. Baka nga di nya nakita. O di kaya, nakita nya, huli na. At pagkabangga, parang walang nangyari. Dire-diretso lang ang takbo ng bus. Nagkatinginan kami nung katabi kong babae at nasabi namin na, "mama, tao po yun!". Di nya kami pinansin. Ang ibang pasahero nagtatanong na din, dahil naramdaman nila na may nabangga kami, pero di nila alam kung ano. Kami lang yata nung katabi ko ang nakakita sa buong pangyayari. Tinanong na din nung inspektor yung driver kung anu yun. Ilang beses nya inulit ang tanong bago sumagot ang driver na "tao!"

Pagkarinig nung kundoktor, sinabihan nya ang mga pasahero na lumipat kami sa kabilang bus (nasa Q.Ave na kami) Tinangka kong kunin ang detalye ng bus, pero di ako nagtagumpay. Pinagmamadali nung kundoktor ang mga pasahero na makalipat para makaalis na sila kaagad. Duda ako na babalikan nila ang biktima para tulungan. Malamang tumakas na sila. Nanginginig ako sa takot... nagulantang ako sa nasaksihan ko. Pagkalipat sa kabilang bus, nagdasal na ko. Ipinagdasal ko na may tumulong dun sa taong nasagasaan.

Paulit-ulit bumabalik sa isip ko ang eksena na sumalpok ang bus dun sa tao. Paulit-ulit. Hindi ako mapakali. Nanghihina, natatakot, naaawa, nakukonsensya.

Tumawag ako sa Patrol 117 pagdating ko sa bahay (matagal bago may sumagot at parang nasa bahay lang si ate). Inireport ko ang nangyari. Mabuti na lang at may nauna na nagreport at sinundo na daw ng ambulansya ang biktima. Kung anu ang nangyari sa kanya, hindi ko pa alam. Aabangan ko sya sa balita mamaya.
Sana, nakaligtas sya.



No comments: